Makulit na Daigdig ni Isabela

Bato-bato sa langit ang tamaan ‘wag magagalit

Friday, July 15, 2005

See ya later, alligator!

Sa inyong lahat na naging kaibigan ko sa blogging, paalam muna ako. Salamat sa inyo dahil nagkaroon ng halaga ang mga araw ko. Tuwing gigising ako sa umaga, ( minsan nga hindi na kailangang gumising dahil hindi na ako natutulog hehe), blog hopping kaagad ang inaatupag ko. Nakaka-adik talaga. Kasi ang dami mong kausap na taong may kanya-kanyang katangian. Nakakaaliw, nakakatuwa at madalas nakakataba ng puso.

Mga naging kaibigan sa blogging, regalo kayo sa akin ng Diyos na hindi ko kayang kalimutan. Kasama at kausap ko araw-araw kung hindi man minu-minuto. Nagbukas ng puso at nag-abalang magbasa ng mga kasalbahihan ko. I’m really gonna miss you, guys, pero bibisitahin ko na lang kayo madalas. Bigla na lang akong susulpot sa blog nyo, huwag nyo lang akong i-ban hehe. May kailangan kasi akong tapusing trabaho and blogging is one major distraction (addict nga, eh). Pinapagalitan na ako ni boss (mukhang idedemanda na ako bwahahaha!)


Teka, meron pa palang isang dahilan. Putsa, nabilang ko yung mga nabili kong ISP bonanza dial-up card, libo-libo na ang halaga. Shet, nakapasyal na ako dapat sa buong mundo. Ang hirap ko kasi, walang DSL hehe.

Patrice – my best best friend sa kakaibang mundong ito. Sana nagkakilala na tayo noong nandito ka pa. You are so old and wise sa edad mo. Binabalik-balikan ko ang blog mo kasi ang sarap mong magkwento. Para kang stuffed toy na masarap yakapin bago matulog. *mwah*
Teacher Sol – it is an honor na maging kaibigan mo. You inspire and you make me proud. All positive, very warm and very friendly. Walang masamang tinapay sa iyo (okey ba sa tagalog ). You welcome everyone with open arms. Pero isa lang ang masasabi ko, pahinga ka naman! Kahi’t masakit ang ngipin at nasa training, ang kulit mo! Hindi ka pa nasiyahan sa kaka-blog nagtayo ka ng isa pa, which is a very worthy project, by the way. Bagay sa ‘yo yung title ng isang libro, “Purpose driven life”. You make powerful and positive decisions and you act on them. You are one teacher I will sorely miss. Labs yah!
Bing – matagal na rin tayong nagkwentuhan. Kahi’t panay lang ang hula mo sa amin ni S., nasakyan mo agad kami. Parang matagal mo na kaming kilala. Kung isusuga man ako sa giyera, gusto ko ikaw ang buddy ko. Maasahan at laging masasandalan. Mami-miss kita. Really.
Nikki – Our baby doc. Anong masasabi ko sa iyo? So sweet, so gentle, so warm, so caring (care-giver?). Akmang-akma ang kursong kinuha mo. Makakatulog ako ng mahimbing dahil alam kong maraming bata ang masuwerteng dadaan sa mga kamay mo.
Para ka rin naming baby. Ano ba ang saying na, “you cannot give what you do not have”? Alam mo kung paano maging bata kaya marami kang ibibigay sa nga innocent and helpless ng mundong ito. I’m gonna miss you, doc.
Karen – My protégé. A talented writer in the making. Sorry, pero hindi kita mami-miss , no! Paano kailangan kitang i-email linggo-linggo. Tseeeh! (Congrats nga pala sa isang young member ng ating blogging circle. Columnist na siya. Go get ‘em, Karen girl!).
Sassafras – Alam mo kung anong sabi ko kay S.? If you want to see a bilingual writer, read sassymoon. Di bale kung basta nagsusulat lang ang babaeng ito eh. But no, she writes with conviction, both in English and Filipino. She is one lady with priciples. I’m gonna miss you Sass. Pero sisilip ako sa blog mo kasi I have to see the baby. At saka magsa-cyber binyagan pa tayo, no!
Analyse – Alam mo kung bakit minsan hindi ako nakaka-comment sa mga post mo? Madalas, French kasi yung mga comments doon. Hindi ko maintindihan hehehe! Pero honestly, na-attract ako sa blog mo kasi down to earth. Walang kiyeme, walang peke. Hindi lang yon nainggit ako sa mga letrato. Ang ganda ng France, shet! Makapasyal nga. Pag nagpunta ako diyan, ipasyal mo ako, ha? (para hindi mag-mukhang tanga). Di ba expecting rin ang beauty mo? Oy dalawang cyber-binyagan ang abangan ‘nyo!
Nao – One comment mo na di ko makakalimutan. “Ang katarayan, nilalagay sa lugar, hindi yung arya ng arya. Lahat naman tayo meron niyan”. Dapat kong sundin ang payo mo kaibigan, dahil sa pagkamahadera ko, isang araw, magigising na lang akong walang kaibigan. Salamat sa pagtitiyaga mo sa mga katarayan ko. Gonna miss you, sis. Beso-beso! Ngek, ba’t maalat ka rin? Hahaha!

Honeypooh - Uy, mare, isa pang magaling magsulat. Makabagbag-damdamin. In other words, puwedeng kandidato bilang drama queen. Puwede ko nang iwan sa iyo ang korona ko hahaha!
Duke – Ei, duke! Sandali pa lang tayong naghuhuntahan, ‘no? Pero mahal na kita. Ganyan ako talaga, mabilis magmahal ng kaibigan (katangian ng Sagittarius). Lalo na kapag okey sa tsismisan. Sayang. Di bale pupunta pa rin ako sa blog mo. Sarap mong magkuwento, eh.
Jaleesa – isa pang baby namin (na mahilig sa kulay orange). Tinanong mo ako dati kung ano ang personality ng mahilig sa kulay orange. Sagot ko: Anong malay ko, no! Pero ‘wag ka , kulay orange din ang kulay ng kwarto ko, hehehe. Ang sakit sa mata, darling!
At saka bakit pareho tayo ng mga stuffed toys? Baka pareho tayo ng personality. Sabi nila masayahin daw ang mahilig sa orange o kaya luka-luka hehe. Isa lang ang meron ka na wala ako. ‘Yung prayer book at rosaryo. Sorry, labs, takot ako sa Diyos, pero hindi ako madasalin.
Ka Uro – Tampo ka pa ba sa akin? Sabi ko sa blog mo, labs pa rin kita kahi’t galit ka sa akin. I respect you and I admire you. Sa totoong mundo, ang mga kaibigan ko ay puro lalaki. Sabi nga ng tatay ko, baka tomboy ako. Pero syempre, hindi, dahil saksakan ako ng landi. Kaya lang ang sarap kaibigan ng mga lalaki. Mga totoong tao. Nakakatawa ang utot ko sa kanila, hindi nakakasuka. Ang sarap magkuwento ng berde pag may inuman (mahilig ako sa tomaan at sa berde hehe). Ang lakas pa mang-alaska (type ko). At higit sa lahat talagang magpapakamatay para sa iyo bilang kaibigan. Marami na akong nasubukang kaibigang lalaki. I adore them.
Air Milikay Anong masasabi ko sa iyo? One heck of a guy. Ang daming laman ng utak mo. Ang hirap hukayin. Pero ganyan ang gusto kong mga kausap. May laman. May challenge. Hindi puro bolahan.
Vonjovi – Kahi’t hindi mo nahulaan , number one fan mo pa rin ako. Researcher of facts. And a wonderful editor, by the way. Gusto mong mag-apply sa dyaryo? Sabihin mo lang kung interested ka. Baka makatulong. Sayang kasi yung eye for detail mo.
Goyong – Kaka, ano ga? Mami-miss mo ga ako? Wala ka kasing blog, loko mo. Di bale nasa akin naman ang email add. mo. Doon na lang kita kukulitin hanggang mangunsumi ka sa akin hahaha! Ako, mami-miss ko ang Kaka Goyong kong makata!
At sa lahat nang sumilip at nag-comment sa kontrobersyal na entry ko (na hindi ko naman kilala), peace, man! Hindi lahat ng katotohanan ay masarap pakinggan at madaling tanggapin. Kung ang expectation ninyo sa mundo ng blogging ay magaganda at mababangong tanawin, isa lang ang masasabi ko. Hindi pa handa ang blogosphere sa isang Isabela, ang blogger na mahadera! Mwahahaha!

Ciao, my friends, and keep on blogging!



Wednesday, July 13, 2005

Akala ko nasa pelikula ako ng I, ROBOT

Nakakatuwa pala talaga ang daigdig ng blogging. Puwede ko siyang ihambing sa isang party (particularly cocktails). Dapat hasang-hasa ang social skills mo at meron kang field of expertise. O, talagang matalino ka o kaya ay nabuhay ka na nung panahon ng Hapon para kahi’t anong topic puwede kang makipag-huntahan. Kung mahina-hina ang good manners and right conduct mo, matatagpuan mo ang iyong sarili na nakanganga at nag-iisa.

Maraming dahilan kung bakit nagkakaroon ng salu-salo. Kung ito ay binyagan, birthday party o kasalan, wala kang problema. Alam mong naliligiran ka ng mga kamag-anak at kaibigan. Hindi na kailangang magpanggap. Pero kapag nakumbida ka sa isang “ribbon cutting” o “launching” ng isang bagay, patay na bata ka na. Tiyak, wala ka ritong kilala. Dito masusubukan kung may natutunan ka kay Emily Post. O kung malakas ang sense of humor mo at higit sa lahat kung “droppable” ang pangalan mo. Kung mahina ka sa ganito, umuwi ka na lang at maglaba.

Sa blogging, hindi mahirap makipag-sosyalan kung kani-kanino. Madaling makipagkilala dahil sila na mismo ang nagpapakilala ng sarili nila. Walang social strata o discrimination. Dapat lang alam mo ang tinatawag na “blogging protocol” dahil ang isang blogger ay “social human being” muna bago isang “wannabe writer” o “malungkot na expat” o kaya ay “komentarista”.

Generally, mababait ang mga bloggers. Madalas they are so “sweet” sa isa’t isa. Parang matagal nang magkakilala. Mabilis magbitiw ng mga papuri at paghanga sa kapwa blogger nila. Minsan tuloy feeling ko, may thesaurus ng papuri ang mga bloggers. Siguro naman, mauubusan ka rin ng salitang ipapalit sa “congratulations”, o kaya “ang galing mo” o kaya “keep up the good work”. Kung wala kang thesaurus, mahahalata mong para kang sirang plaka.


Kunsabagay, understandable din ang pangangailangan ng thesaurus. Mababait talaga ang mga bloggers. Kapag nangingisda at nang-aamot ng paghanga, generous naman sila sa papuri. Kahi't paulit-ulit. Hindi sila nagsasawang magbigay o hindi sila nakakahalata. Kaya nga ang payo ko, bumili ng thesaurus ng papuri para iba-iba naman at hindi paulit-ulit.

Ibang-iba ang mundong ito. Punung-puno ng tao pero minsan hinahanap ko pa rin ang mga tao. Sa lumpiang hubad ni Patrice, lagi akong dumadalaw. Magaling siyang sumulat. Nag-iisip habang nagkukuwento. Nitong huli, naging kontrobersyal ang topic niya. Nakakasagasa, pero marunong siya ng tinatawag nating “killing with grace” (sad to say wala ako niyan).

Sa wakas nakakita ako ng mga tao sa comment box niya! Nawala ang mga papuri (nakakasawa ito sa totoo lang) Wala akong nabasang Nice! Congrats! Inspiration! Good! Galing! Nagising ang natutulog. Nagpalitan ng kuro-kuro. May maanghang magsalita, may prangka, may nalungkot, may tagapag-tanggol ng naaapi. Walang nambola.


Alleluya! May tao pala! Akala ko noon “this is a recording” na nasira.

Ang sarap ng pakiramdam nang mapatunayan kong may kausap pala ako sa likod ng mga screen names. Mga taong may damdamin. Nagugulat kapag nasampal ng katotohanan. Nagdurugo kapag nasugatan. Nag-iisip ng malalim. napipikon, nagagalit, nagtatampo, natatawa, nalulungkot, naiiyak. Wala pala ako sa pelikulang I, Robot. Hindi naman pala naaksaya ang panahon ko.

Makakatulog na ako ng mahimbing. O kaya ay puwede nang mag-retire sa blogging.



Monday, July 11, 2005

Hindi ka si Rizal, hindi ka si Ninoy, hindi ka rin ba Pinoy?

"Filipinos always complain about the corruption in the Philippines. Do you really think the corruption is the problem of the Philippines? I do not think so. I strongly believe that the problem is the lack of love for the Philippines...
Korean government was awfully corrupt and is still very corrupt beyond your imagination, ...40 years ago, President Park took over the government to reform Korea......He always asked Koreans to love their country from their heart. Many Korean scientists and engineers in the USA came back to Korea to help developing country because they wanted their country to be well off. Though they received very small salary, they did their best for Korea..."


--- Jaeyoun Kim


May nagpadala sa akin sa email ng essay na ito na sinulat ng isang Koreano. Dito siya sa atin nag-aaral. Sa tingin ko ay mas alam niya ang ugat ng paghihirap ng Pilipinas kaysa mga Filipino. Hindi pulitika, hindi relihiyon, hindi edukasyon at hindi rin corruption. Sa kanyang simpleng pananaw, ang tunay na dahilan ay kawalan ng pagmamahal sa bansang sinilangan. Tama siya.

Marami akong matatapakan, maraming masasagasaan, maraming tatamaan, pero wala pa ring Pinoy na aamin ng totoong dahilan kung bakit nila iniwan ang Pilipinas. Iba’t ibang palusot, sari-saring katwiran. Iisa lang naman ang pinupuntahan, walang katapusang paninisi sa corruption at kahirapan. Para sa akin iisa rin ang dahilan. Ito ay pagliligtas-katawan.

Ang tunay na mga Filipino sa tingin ko ay si Jose Rizal at si Ninoy Aquino. Sila lang ang may karapatang magsalita ng "Ako ay Pinoy, mahal ko ang Pilipinas”. Alam natin ang ating history. Alam nating puwede silang manatili sa Amerika o sa Europa kung gugustuhin nila. Hindi sila tanga. Alam nila kung ano ang mangyayari sa kanila kapag umuwi sila. Pero hindi ba pinili ng dalawang Filipinong ito na magbuwis ng buhay at magtagas ng dugo sa kanilang lupang hinihirang?
Sukdang ialay ang huling hininga, sinagot nila ang panawagan ng kanilang inang bayan.

Alam ko, hindi lahat ng tao ay puwedeng magpabaril sa Luneta o sa tarmac ng paliparan. Pero huwag na lang sanang lokohin ang sarili o manloko ng ibang tao. Bakit hindi magpakatotoo? Hindi naman masama kung aamining mas mahal mo ang sarili mo. Obvious ba, wala ka sa bayan mo? Huwag kang mag-alala, hindi ka mapupunta sa impiyerno.

Ang tinutukoy ko ay mga Pinoy na ginagawa ang lahat ng paraan upang makaalis o makatakas sa bansang ito. At kapag nagtagumpay sila at nakakuha na ng visa, parang tumama ng isang bilyon sa lotto. Mabilis pa sa alas-kuwatrong tatalikod at sasakay sa eroplano.


Kahi’t alam kong imposibleng mangyari, gusto ko pa rin sanang makarinig ng mga “honest” na sagot sa tanong na “Bakit ka nasa Amerika?”

Lagyan natin ng puntos (10 pts.) ang mga sagot na hindi nagpapasakay

(hindi kasali rito ang mga Pinoy na ipinadadala ng kanilang kompanya sa ibang bansa at ang mga nakakapag-asawa ng taga-ibang bansa)

(edited) hindi rin kasama rito ang mga OFW o mga SEAMEN. Mga taong walang puso lamang ang may kapal ng mukha na kwestyunin kung bakit sila nasa ibang bansa. Sa aking paningin , sila ang mga bagong Ninoy. Kakaibang dugo nga lang ang itinatagas nila.

  • “Hayok na hayok ako sa Amerika. Isasanla ko ang kaluluwa ko, masinghot ko lang ang hangin ng Amerika (10 pts Perfect)
  • “Wala akong makain sa Pilipinas. Sa Amerika, marami.” (7 pts.)
  • “E, ano kung may brain drain. Kahi’t tumagas pa ang utak sa tenga ng bayan ko, pakialam ko. Dito pa rin ako sa Amerika. Sarap yata ng buhay ko dito.” (10 pts. perfect)
  • “Ako ay Pinoy! Pero dito ako sa Amerika magpapaka-Pinoy! (dahil nakakatawa 1 pt.)
  • “Mahal ko ang Pilipinas! Pero dito ko siya mamahalin sa Amerika ( nakakatawa rin 1 pt)
  • “Gusto kong bigyan ng magandang buhay ang anak ko. ‘Yung anak ko lang. Napipilitan lang ako dito. (bulok na palusot -15)
  • Puwede ba? Nakakasuka ang Pilipinas, ano? Ikinahihiya ko ngang Filipino ako (10 pts. Perfect)
  • Kung ipapanganak ako uli at bibigyan ng choice, never sa Pilipinas , no! (10 pts. Perfect)
  • Anong mangyayari sa akin sa Pilipinas? Mabubulok na lang ako doon! ( 10 pts. Perfect)
  • Nandito na kasi lahat ang mga kamag-anak ko. Nalulungkot ako (paawa 0 pt)
  • Nandito na kasi lahat ang mga kamag-anak ko. Naiinggit ako. (8 pts)
  • Gusto kong makatulong sa Philippine economy kaya magpapadala ako ng $50 sa tatay ko. ‘Yun talaga ang hangad ko. Makatulong sa economy. (-10 pts. nabenta na ‘yan)
  • Gusto kong ipagmalaki sa buong mundo na maraming kayang gawin ang mga Pinoy. Ang chosen venue ko ng pagmamalaking ito ay ang Amerika (f...ing b...s.... -100)

May reward naman ang mga naka-perfect score. Natupad ang pangarap nila. Kung babalik man sila sa Pilipinas, sigurado syento por syento, ang pasaporteng bitbit nila ay kulay “blue”. Okey lang. Walang nawala sa bansa. Hindi naman kasi sila tunay na Filipino.

(Addendum) Kung hindi pa rin na-gets ng aking mga mambabasa kung sino ang mga mahilig magpalusot, ipakikilala ko sa inyo. Isang araw, pumunta kayo sa US Embassy. Doon ninyo makikita ang mga tinutukoy ko. Mga kababayan natin na animo mga bakang kakatayin na nagtitiyagang pumila sa init ng araw (buti na lang hindi na ganito ngayon). Noon, hindi na sila natutulog. Alas-tres ng madaling-araw ay pumipila na. May baon na sila sa bag nila. Alas-kwatro ng hapon ang interbyu. Visa denied. Akala mo ba tapos na ito? Babalik pa uli 'yan. At babalik at babalik pa.

Willing din silang mag-tagas ng dugo. Pero para ma-bigyan ng visa sa Amerika, hindi para sa bayan nila. Ang nakakabwisit, magpapalusot pa. Eh, obvious bang hayok sa Amerika?

Saturday, July 09, 2005

Paano ispatan ang mga tunay na sosyal

Ano kaya ang buhay ng mga tunay na mayayaman o mga “dugong-bughaw”? Kung hindi ka ipinanganak na may gintong kutsarita sa bibig, wala kang ideya, hindi ba? Para sa akin sila ay mga alien na ipinanganak sa ibang planeta. Noong teen-ager ako, naging libangan ko sa buhay ang alamin kung ano ang hitsura ng mga tunay na dugong-bughaw . Noon, Rustan’s ang venue nito, ngayon sa Podium. Hindi acceptable ang Glorietta, SM o Megamall. Ang matatagpuan mo dito ay mga nagpapanggap at mga trying hard.

Hindi madaling makakita ng mga genuine dugong-bughaw, ha. Hindi sila pakalat-kalat sa mga mall at Starbucks. Para maka-iwas sa mga peke, gumawa ako ng listahan ng mga requirements. Meron na rin akong mga conclusions.

  • Mistisa. Hindi lang kasing-puti ng damit na kinula, dapat mamula-mula rin ang pisngi at mga labi. Makinis at walang taghiyawat. May bonus pag may cleft chin at dimples. Pag morena…hmmm...puwede rin, pero ingat, baka jueteng lord ang Tatay kaya puwedeng mag-anyong sosyal.
  • Mamula-mula rin ang mahahaba at hubog-kandilang mga daliri. Walang “cutex” ang maiikling mga kuko (importante ito). Kung meron man, colorless na nail polish lang at pag naka-french tip, siguro may pupuntahang party.
  • Mapula ang mga sakong (kung naka-sandals, hindi pa uso ang havaianas noon). Maninipis na mga sakong na parang balat ng sanggol. Isama na natin ang tuhod. Dapat mamula-mula rin. Take note, kung mahahaba ang mga daliri sa kamay, tapos maitim naman ang tuhod at naglilipak ang sakong, tiyak peke ‘yan. Pagmasdang mabuti ang mga sakong. Baka pinahiran lang ng merthiolate.
  • Manipis at malambot ang palad. Pag may doubt ka na baka naliligo lang sa balde-baldeng hand and foot lotion, hawakan mo ang kamay. Ingat lang at baka masugatan sa mga kalyo mo. Nakaka-shock sa lambot ang mga kamay nila. As in malambot! Parang bulak ang mga palad. Parang kamay ng bagong panganak na sanggol na mababali ang mga daliri kapag napadiin ang hawak mo.
  • Buhok na mukhang laging naka-“rebond”at naka-“relax”. Saksakan ng kintab at lambot. Madalas one length lang ang gupit pag mahaba ang buhok. Wala ni isang hiblang naliligaw (importante ito). Kahi’t malakas ang hangin, hindi nililipad at hindi nagugulo ang buhok. Note: Hindi nila kailangang magpa-rebond. Ganoon talaga ang buhok nila.
  • Mahaba ang leeg. Hindi naman parang giraffe, no! Hindi ko pa rin nadidiskubre hanggang ngayon kung bakit mahahaba ang mga leeg nila. At saka maliliit ang mga tenga. At saka matatangos at maninipis ang mga ilong.
  • Maliit ang size ng paa. As in higante na ang size 7. Kaya ang mga Chinese, iniipit ang mga paa ng mga batang babae. Two or three sizes smaller ang mga pinasusuot sa kanilang sapatos. Sa China kasi, mas maliit ang paa mo, mas mayaman ka.
  • Buo, pantay-pantay at mapuputi ang mga ngipin. Perfect teeth, ika nga. Natural ito, hindi inipit ng braces ng sampung taon! Kapag may braces o naka-pustiso, ni isang patak, wala itong dugong bughaw. Maniwala kayo. Ngayon, status symbol sa mga bata ang braces, parang cell phone. Mahal kasi. Kung alam lang nila.
  • Walang suot na alahas. Walang hikaw, walang kuwintas, walang bracelet. Manipis na relo lang. ‘Yun nga lang 24k na Raymond Weil naman.
  • Walang make-up. Pulbo lang. At konting lip balm siguro.
  • Hindi umaalingasaw ang amoy ng mamahaling pabango. Sa katunayan, hindi sila nagpapabango. Siguro kasi, yung pawis nila, amoy Balenciaga na.
  • Simple lang ang mga suot na damit. Mukhang binili sa Baclaran.
  • Mahina ang boses nila. Halos hindi mo marinig. Parang laging bumubulong. Mabagal at malumanay magsalita. Hindi sila tumatawa ng bwahahaha!
  • Hindi sila nagta-Taglish. Kung Inglis ang salita nila, purong Inglis. Kung Tagalog, purong Tagalog lang. Puwede rin ang purong Spanish.
  • At higit sa lahat, hindi sila maarte, hindi mataray at hindi sila matapobre.

Ang tinutukoy ko ditong dugong bughaw ay “the old rich o the landed gentry” ng ating bansa. Iba ito sa mga “noveau riche” na kilala natin sa tawag na coñitos at coñitas na kuno-kunong sosyal. Kung na-piktyur na ninyo ang tunay na dugong-bughaw, hindi ba kayo nagtataka? Bakit kaya minsan, kung sino pa ‘yong mga anak ng mga smugglers, politikong kurakot, o mga jueteng lords, 'yun pa ang mayayabang, maiingay, matataray, mapoporma at mga ipokritang mapang-mata? Nagtatanong lang naman. Bato-bato sa langit ang tamaan, huwag namang magagalit.

Thursday, July 07, 2005

Ang aking idolo, ang nanay ko

Sabi ng nanay ko, “Kung gusto mo akong kaibigan, dapat matapang ka. Handa kang malaman ang mga katotohanang madalas mong pagtaguan. Duwag ang tawag ko sa iyo kapag hindi mo matanggap ang totoo".

Numero unong alaskador, napaka-prangka, mahadera at walang pakundangan. ‘Yan ang nanay ko. Ang ipinagtataka ko ay kung bakit napakarami pa rin niyang kaibigan kahi’t nakakapikon siya minsan. Sabi ng mga Tita ko, kung gusto mo raw malaman ang totoo nang walang bolahan, tanungin mo raw si Nanay. Madalas kong marinig ang mga ganitong usapan:

Kaibigan : Oy, Luring, bagay ba sa akin ang buhok ko?”
Nanay : Hindi. Mukha kang matanda.

Tita : Ate Luring, masyado bang hubad ang suot ko?
Nanay : Oo, mukha kang p..ta.

Tito : Halika, Luring manood tayo ng sine.
Nanay : Bakit may pera ka ba? Di ba mahirap ka?

Kaibigan : Naku, sorry, Luring, Tumawag ka raw kanina. Wala ako, eh
Nanay : Huu, kunwari ka pa. Pinagtataguan mo ako kasi may utang ka sa akin.

Kataka-taka pero ang sagot ng mga tao sa kaprangkahan niya ay laging malakas na tawa. Kapag may napikon at nagalit sa kanya, bibigyan niya ng isang basong tubig o kaya sopdrink.

“ O, inumin mo. Para hindi ka mahirapang lunukin ang totoo. Gusto mo pala ng bolahan, dapat hindi ako ang tinanong mo. ”

Sabi ni Nanay, tatlong klaseng tao raw ang dapat kong iwasan. Hindi sila puwedeng maging tunay na kaibigan.

Ang mga balat-sibuyas o pikon
Ito raw ang mga taong mataas ang pagtingin sa sarili. Sila ang laging tama. Wala silang kapintasan. Sila ang pinakamagaling. Sila ang pinakamatalino. Sila ang pinakamaganda. Baka pag mahigitan ko raw o mapintasan ng konti ay bigla na lang maghuramentado.

Ang mga inggitero

Ito raw ang mga taong wala nang pag-asa. Sa halip na magsikap na mapaunlad ang sarili, hihilahin na lang pababa ang iba para sila ang bida. Kapag hindi nagtagumpay, itsitsismis at sisirain na lang ang reputasyon ng kinaiinggitan nila. Ang mga ganitong klaseng tao raw ay walang kasiyahan at walang katahimikan.

Ang mga taong hindi kayang pagtawanan ang sarili nila
Sabi ni ina, “Isabela, kung may pagtatawanan kang tao, tiyakin mong Isabela Hugo ang pangalan niya at wala nang iba. Kasuklam-suklam ang mga taong ginagawang katatawanan ang kapwa nila. ”

Ang mga tao raw na masayahin at madaling tumawa ay may tiwala sa sarili nila. Sila mismo ang nakakakita ng mga kapintasan nila at ‘yon ang gagawing katatawanan. Kapag may makita raw akong ganitong tao, huwag ko na raw pakakawalan.

Siguro, naiwasan ni Nanay ang mga ganitong tao, dahil ang alam ko, napakarami niyang kaibigan. Mga taong masasaya at laging tumatawa.


Wednesday, July 06, 2005

Second monthsary namin, dinalumat ni Bel ang mundo ng blogging

Monthsary ng unang blog ko noong July 3, ang kablogstugangpinoy. Ang masasabi ko, himala ng Maykapal, tumagal ako ng dalawang buwan! Sabi nila, ako raw ay “flash in the pan”. Sa Tagalog, ningas-kugon. Paanong hindi ako tatagal, eh, may bayad ang domain. Kung alam ko nga lang ‘yung blogspot, eh di doon na ako sa libre hehe!
Ano ba ireng blogs?
Blogging was introduced by a blogberk, a member of blogkadahan. Nagbasa ako ng mga entries, na-intriga, nag-usisa sa ibang blogs. Ano baga at parang diary lang pala ang mga ire. Napuna ko medyo nagkalat sa mga entries ang letrang “I” e.g. I am, I like, I can, I did, I will, I was.
Sabi ko sa sarili ko, “Aba, eh, ano bang pakialam ko sa buhay ninyo? Yayaman ba ako kung alam ko ang paboritong kulay ‘nyo?”
Naging adik sa blog
E, di hindi ko na pinansin ang mga online diary ng ibang tao. Makalipas ang ilang araw, eto na naman ako sa harap ng computer at nag-uusisa na naman ng blogs. Uy, meron din naman palang may sense. O, meron pang parang dyaryo, may nagpapatawa, may clasroom pa at maraming mga expat na gustong magkaroon ng contact sa mga kababayan nila. Meron pa silang maliit na chatroom na makulay at maraming nakatapal na smilies (I adore smiley).
May mga entries na nakaka-emote, merong nakakaluha, meron ding information center, at maraming nakakaaliw na kwento sa ibang bansa (may kasama pang pektyur). Huli na ang lahat nang mahalata kong ako pala ay isa nang talamak na blog addict. Hindi pa naiimbento ang rehabilitation center ng ganitong klaseng droga.
If you can’t lick ‘em, join ‘em
Isa lang ang solusyon sa addiction, magtayo ng sariling blog! Nagpatulong ako sa isang webmaster ng isang unibersidad. Eto ang sagot niya sa akin sa telepono, “Ano kamo? Blog? Ano ‘yon? Ngayon ko lang narinig ‘yan, ah”. Hmmm…nagtanong sa kapatid na magaling sa hardware at software. Ganoon din ang sagot…”Blog? Ano ‘yon? Parang chat ba ‘yan?” Hmmm…
Buti na lang may kilala akong editor na alam ang blog. Sabi ko sa kanya, “Pag-aralan mo ang wordpress. I’m giving you two days”. Muntik nang masuka ‘yung tao dahil ibang language daw ‘yon sa alam niya (inabot ng tatlong araw na walang tulugan). Well, pag may tiyaga, may nilaga, so a blog was born. Na-trap na ang kawawang editor dahil siya lang ang nakakaalam ng wordpress ( admin ko).
Nag-mukhang tanga
Pero may isa pang problema. I don’t know how to write about myself. Ang resume ko lang, eh, kasumpa-sumpa at walang laman. Baka ang page ay mag-mukhang stationery paper na walang sulat (baka sulatan ng iba hehehe). Kinausap si boyfriend (overseas call, masakit sa bulsa). Inalok na mag-blog. Mahal ako ni boyfriend kaya pumayag. Thus, “Isabela and Spartacus” was born.
Hindi namin forte ang writing about “self” kaya tinalakay ang mga issues. Dahil walang alam sa blogging at saksakan ng low tech, medyo matagal akong nangapa at nag-mukhang tanga. Inalalayan kami ng mga kaibigan ko, si Mikikekwek at Rose Tatoo. Kahi’t hindi sila bloggers, panay pa rin ang basa at comment kahi’t minsan hirap managalog si Miki.
Mga kaibigan sa kakaibang mundong ito (mwah)
Ang unang naging blogger friend ko ay si Bing (she’s so soft and warm, sarap maging nanay). Nagsimula na akong magblog-hopping. Napadaan kay Patrice, nag-iwan ng salbaheng comment. Natapilok kay Teacher Sol, naglaglag ng mahaderang comment. Kahi’t nahalata nilang makulit, pinagtiyagaan ako, they became my friends sa kakaibang mundong ito. The drama queens! Maya-maya lang ay dumami na ang mga kaibigan ko (mga drama kings at princesses ko) note: nakalista sila sa sidebar ng isabelakulit. I’m so proud of them dahil nagsusulat pa rin sila sa ating wika kahi’t ang iba ay wala sa ating bansa. Si Sol at Patrice ay mas makukulit pa kesa sa akin. Kasi, unti-unti nilang natatanggal ang secret identity ni Batgirl. Kinalikot ang maskara. Ayan, tuloy, naka-displey na ang letrato ko, tseeh!
Happy two monthsary, my friends! Kayo ang dahilan kaya nandito pa rin ako, cheers!

P.S. paboritong pronoun ko na rin ngayon ang “KO at AKO” mwahahaha!

Monday, July 04, 2005

Havaiana o tsinelas na gomang Spartan?

Noong nakaraang buwan, naka-attend ako ng ribbon cutting sa Malarayat Golf and Country Club sa Lipa. Feeling sosyal ako dahil nakasalamuha ko ang mga alagad ng alta sosyedad. Panay ang “clink” ng mga wine glass sa cocktails at panay ang laglag ng mga pangalang nababasa ko lang sa society page.
Sabi ng imbitasyon : Smart casual. Dahil ako’y ignuramus sa mga sosyalan, hindi ko alam kung ano ang casual sa mga ganoong okasyon. Play safe ako sa aking ever dependable little black number (na amoy naptalina dahil ilang taon nang naka-stock sa aparador) at ang aking 3 inch black sandals. Nakalusot naman ang aking bihis pero ilang minuto pa lang ay parang hinihiwa na ng blade ang mga paa ko.
Para maalis ang isip ko sa sakit, nanood na lang ako ng mga humahalakhak na “beautiful people”. Dito ko napansin ang sapin sa paa ng isang babae ( mga 21 taong gulang siguro). Totoo ba ang nakikita ko? Naka-tsinelas na goma? Kamukha ‘nung tsinelas ko sa banyo?
Umusog-usog ako nang kaunti para mapagmasdan kong mabuti kung may band-aid siya sa paa. Baka may sugat, excuse na siguro ‘yung tsinelas niya. Wala naman akong nakitang sugat.
Pinagmasdan ko ang suot ng ibang tao, may naka-long dress, may naka-blazer, may naka-suit, may naka-tube dress pero lahat ay nakasapatos. Pormal ang mga itsura.
Exclusive membership ang Malarayat. Kung ilang milyong piso ang ibabayad mo para sa karapatang maglaro ng golf sa damuhan nila. Baka naman naliligaw ang babaeng ito? Hindi kaya sa Matabungkay beach ang punta niya at hindi sa ribbon cutting ng isang exclusive golf club? Pero hindi naman siya naka-bikini. Pormal ang damit pero naka-tsinelas na goma talaga! Mukhang saksakan pa ng arogante.
Hindi na ako nakatiis. Sa isip ko kasi ay binabastos niya ang okasyon. Tinanong ko si Beth, ang nangumbida sa akin, kung sino ‘yung babae at bakit naka-tsinelas lang siya. Natawa si Beth. Hindi raw tsinelas ‘yon kundi “Havaiana flip-flops”. “Four thousand pesos ang isang pares niyan, made in Hawaii kasi.” dagdag pa niya.
Ako ay taong pikon pag dating sa mga kaartehan na wala sa lugar. Madaling uminit ang ulo ko sa mga taong sumasamba sa “imported”. Medyo “emote” ang sagot ko kay Beth.

“Pakialam ko kung isang milyong piso pa ‘yan, tsinelas na goma pa rin ang tingin ko diyan. Pakialam ko kung sa ibang planeta pa ‘yan ginawa. Sige nga, kung hindi mo alam ang presyo niyan, hindi mo ba sasabihing tsinelas na pambanyo ‘yan kahi’t “flip-flop” pa ang tawag mo diyan? Bakit ka magsusuot ng tsinelas sa pormal na party?”

Ni hindi ko papatulan ng isangdaang piso ang lintek na havaianang ‘yan. Singkwenta pesos lang ang isang pares ng Spartan. Matibay pa. Magkamukha kaya sila! Siguro ganito ang nasa isip nung hunghang na babaeng naka-tsinelas. “Oy, may karapatan akong mag-suot ng tsinelas sa pormal na party ‘nyo. Mas mahal yata ang HAVIANA ko sa mga sapatos ‘nyo”.

Isa lang ang isasagot ko sa kanya, “Gaga ka pala, eh. Siguro ang kapirasong utak mo ay nasa paa, kaya dapat mong sapinan ng apat na libong pisong tsinelas na goma!”