Makulit na Daigdig ni Isabela

Bato-bato sa langit ang tamaan ‘wag magagalit

Wednesday, July 13, 2005

Akala ko nasa pelikula ako ng I, ROBOT

Nakakatuwa pala talaga ang daigdig ng blogging. Puwede ko siyang ihambing sa isang party (particularly cocktails). Dapat hasang-hasa ang social skills mo at meron kang field of expertise. O, talagang matalino ka o kaya ay nabuhay ka na nung panahon ng Hapon para kahi’t anong topic puwede kang makipag-huntahan. Kung mahina-hina ang good manners and right conduct mo, matatagpuan mo ang iyong sarili na nakanganga at nag-iisa.

Maraming dahilan kung bakit nagkakaroon ng salu-salo. Kung ito ay binyagan, birthday party o kasalan, wala kang problema. Alam mong naliligiran ka ng mga kamag-anak at kaibigan. Hindi na kailangang magpanggap. Pero kapag nakumbida ka sa isang “ribbon cutting” o “launching” ng isang bagay, patay na bata ka na. Tiyak, wala ka ritong kilala. Dito masusubukan kung may natutunan ka kay Emily Post. O kung malakas ang sense of humor mo at higit sa lahat kung “droppable” ang pangalan mo. Kung mahina ka sa ganito, umuwi ka na lang at maglaba.

Sa blogging, hindi mahirap makipag-sosyalan kung kani-kanino. Madaling makipagkilala dahil sila na mismo ang nagpapakilala ng sarili nila. Walang social strata o discrimination. Dapat lang alam mo ang tinatawag na “blogging protocol” dahil ang isang blogger ay “social human being” muna bago isang “wannabe writer” o “malungkot na expat” o kaya ay “komentarista”.

Generally, mababait ang mga bloggers. Madalas they are so “sweet” sa isa’t isa. Parang matagal nang magkakilala. Mabilis magbitiw ng mga papuri at paghanga sa kapwa blogger nila. Minsan tuloy feeling ko, may thesaurus ng papuri ang mga bloggers. Siguro naman, mauubusan ka rin ng salitang ipapalit sa “congratulations”, o kaya “ang galing mo” o kaya “keep up the good work”. Kung wala kang thesaurus, mahahalata mong para kang sirang plaka.


Kunsabagay, understandable din ang pangangailangan ng thesaurus. Mababait talaga ang mga bloggers. Kapag nangingisda at nang-aamot ng paghanga, generous naman sila sa papuri. Kahi't paulit-ulit. Hindi sila nagsasawang magbigay o hindi sila nakakahalata. Kaya nga ang payo ko, bumili ng thesaurus ng papuri para iba-iba naman at hindi paulit-ulit.

Ibang-iba ang mundong ito. Punung-puno ng tao pero minsan hinahanap ko pa rin ang mga tao. Sa lumpiang hubad ni Patrice, lagi akong dumadalaw. Magaling siyang sumulat. Nag-iisip habang nagkukuwento. Nitong huli, naging kontrobersyal ang topic niya. Nakakasagasa, pero marunong siya ng tinatawag nating “killing with grace” (sad to say wala ako niyan).

Sa wakas nakakita ako ng mga tao sa comment box niya! Nawala ang mga papuri (nakakasawa ito sa totoo lang) Wala akong nabasang Nice! Congrats! Inspiration! Good! Galing! Nagising ang natutulog. Nagpalitan ng kuro-kuro. May maanghang magsalita, may prangka, may nalungkot, may tagapag-tanggol ng naaapi. Walang nambola.


Alleluya! May tao pala! Akala ko noon “this is a recording” na nasira.

Ang sarap ng pakiramdam nang mapatunayan kong may kausap pala ako sa likod ng mga screen names. Mga taong may damdamin. Nagugulat kapag nasampal ng katotohanan. Nagdurugo kapag nasugatan. Nag-iisip ng malalim. napipikon, nagagalit, nagtatampo, natatawa, nalulungkot, naiiyak. Wala pala ako sa pelikulang I, Robot. Hindi naman pala naaksaya ang panahon ko.

Makakatulog na ako ng mahimbing. O kaya ay puwede nang mag-retire sa blogging.