Makulit na Daigdig ni Isabela

Bato-bato sa langit ang tamaan ‘wag magagalit

Thursday, July 07, 2005

Ang aking idolo, ang nanay ko

Sabi ng nanay ko, “Kung gusto mo akong kaibigan, dapat matapang ka. Handa kang malaman ang mga katotohanang madalas mong pagtaguan. Duwag ang tawag ko sa iyo kapag hindi mo matanggap ang totoo".

Numero unong alaskador, napaka-prangka, mahadera at walang pakundangan. ‘Yan ang nanay ko. Ang ipinagtataka ko ay kung bakit napakarami pa rin niyang kaibigan kahi’t nakakapikon siya minsan. Sabi ng mga Tita ko, kung gusto mo raw malaman ang totoo nang walang bolahan, tanungin mo raw si Nanay. Madalas kong marinig ang mga ganitong usapan:

Kaibigan : Oy, Luring, bagay ba sa akin ang buhok ko?”
Nanay : Hindi. Mukha kang matanda.

Tita : Ate Luring, masyado bang hubad ang suot ko?
Nanay : Oo, mukha kang p..ta.

Tito : Halika, Luring manood tayo ng sine.
Nanay : Bakit may pera ka ba? Di ba mahirap ka?

Kaibigan : Naku, sorry, Luring, Tumawag ka raw kanina. Wala ako, eh
Nanay : Huu, kunwari ka pa. Pinagtataguan mo ako kasi may utang ka sa akin.

Kataka-taka pero ang sagot ng mga tao sa kaprangkahan niya ay laging malakas na tawa. Kapag may napikon at nagalit sa kanya, bibigyan niya ng isang basong tubig o kaya sopdrink.

“ O, inumin mo. Para hindi ka mahirapang lunukin ang totoo. Gusto mo pala ng bolahan, dapat hindi ako ang tinanong mo. ”

Sabi ni Nanay, tatlong klaseng tao raw ang dapat kong iwasan. Hindi sila puwedeng maging tunay na kaibigan.

Ang mga balat-sibuyas o pikon
Ito raw ang mga taong mataas ang pagtingin sa sarili. Sila ang laging tama. Wala silang kapintasan. Sila ang pinakamagaling. Sila ang pinakamatalino. Sila ang pinakamaganda. Baka pag mahigitan ko raw o mapintasan ng konti ay bigla na lang maghuramentado.

Ang mga inggitero

Ito raw ang mga taong wala nang pag-asa. Sa halip na magsikap na mapaunlad ang sarili, hihilahin na lang pababa ang iba para sila ang bida. Kapag hindi nagtagumpay, itsitsismis at sisirain na lang ang reputasyon ng kinaiinggitan nila. Ang mga ganitong klaseng tao raw ay walang kasiyahan at walang katahimikan.

Ang mga taong hindi kayang pagtawanan ang sarili nila
Sabi ni ina, “Isabela, kung may pagtatawanan kang tao, tiyakin mong Isabela Hugo ang pangalan niya at wala nang iba. Kasuklam-suklam ang mga taong ginagawang katatawanan ang kapwa nila. ”

Ang mga tao raw na masayahin at madaling tumawa ay may tiwala sa sarili nila. Sila mismo ang nakakakita ng mga kapintasan nila at ‘yon ang gagawing katatawanan. Kapag may makita raw akong ganitong tao, huwag ko na raw pakakawalan.

Siguro, naiwasan ni Nanay ang mga ganitong tao, dahil ang alam ko, napakarami niyang kaibigan. Mga taong masasaya at laging tumatawa.