Makulit na Daigdig ni Isabela

Bato-bato sa langit ang tamaan ‘wag magagalit

Monday, July 04, 2005

Havaiana o tsinelas na gomang Spartan?

Noong nakaraang buwan, naka-attend ako ng ribbon cutting sa Malarayat Golf and Country Club sa Lipa. Feeling sosyal ako dahil nakasalamuha ko ang mga alagad ng alta sosyedad. Panay ang “clink” ng mga wine glass sa cocktails at panay ang laglag ng mga pangalang nababasa ko lang sa society page.
Sabi ng imbitasyon : Smart casual. Dahil ako’y ignuramus sa mga sosyalan, hindi ko alam kung ano ang casual sa mga ganoong okasyon. Play safe ako sa aking ever dependable little black number (na amoy naptalina dahil ilang taon nang naka-stock sa aparador) at ang aking 3 inch black sandals. Nakalusot naman ang aking bihis pero ilang minuto pa lang ay parang hinihiwa na ng blade ang mga paa ko.
Para maalis ang isip ko sa sakit, nanood na lang ako ng mga humahalakhak na “beautiful people”. Dito ko napansin ang sapin sa paa ng isang babae ( mga 21 taong gulang siguro). Totoo ba ang nakikita ko? Naka-tsinelas na goma? Kamukha ‘nung tsinelas ko sa banyo?
Umusog-usog ako nang kaunti para mapagmasdan kong mabuti kung may band-aid siya sa paa. Baka may sugat, excuse na siguro ‘yung tsinelas niya. Wala naman akong nakitang sugat.
Pinagmasdan ko ang suot ng ibang tao, may naka-long dress, may naka-blazer, may naka-suit, may naka-tube dress pero lahat ay nakasapatos. Pormal ang mga itsura.
Exclusive membership ang Malarayat. Kung ilang milyong piso ang ibabayad mo para sa karapatang maglaro ng golf sa damuhan nila. Baka naman naliligaw ang babaeng ito? Hindi kaya sa Matabungkay beach ang punta niya at hindi sa ribbon cutting ng isang exclusive golf club? Pero hindi naman siya naka-bikini. Pormal ang damit pero naka-tsinelas na goma talaga! Mukhang saksakan pa ng arogante.
Hindi na ako nakatiis. Sa isip ko kasi ay binabastos niya ang okasyon. Tinanong ko si Beth, ang nangumbida sa akin, kung sino ‘yung babae at bakit naka-tsinelas lang siya. Natawa si Beth. Hindi raw tsinelas ‘yon kundi “Havaiana flip-flops”. “Four thousand pesos ang isang pares niyan, made in Hawaii kasi.” dagdag pa niya.
Ako ay taong pikon pag dating sa mga kaartehan na wala sa lugar. Madaling uminit ang ulo ko sa mga taong sumasamba sa “imported”. Medyo “emote” ang sagot ko kay Beth.

“Pakialam ko kung isang milyong piso pa ‘yan, tsinelas na goma pa rin ang tingin ko diyan. Pakialam ko kung sa ibang planeta pa ‘yan ginawa. Sige nga, kung hindi mo alam ang presyo niyan, hindi mo ba sasabihing tsinelas na pambanyo ‘yan kahi’t “flip-flop” pa ang tawag mo diyan? Bakit ka magsusuot ng tsinelas sa pormal na party?”

Ni hindi ko papatulan ng isangdaang piso ang lintek na havaianang ‘yan. Singkwenta pesos lang ang isang pares ng Spartan. Matibay pa. Magkamukha kaya sila! Siguro ganito ang nasa isip nung hunghang na babaeng naka-tsinelas. “Oy, may karapatan akong mag-suot ng tsinelas sa pormal na party ‘nyo. Mas mahal yata ang HAVIANA ko sa mga sapatos ‘nyo”.

Isa lang ang isasagot ko sa kanya, “Gaga ka pala, eh. Siguro ang kapirasong utak mo ay nasa paa, kaya dapat mong sapinan ng apat na libong pisong tsinelas na goma!”