Makulit na Daigdig ni Isabela

Bato-bato sa langit ang tamaan ‘wag magagalit

Monday, July 11, 2005

Hindi ka si Rizal, hindi ka si Ninoy, hindi ka rin ba Pinoy?

"Filipinos always complain about the corruption in the Philippines. Do you really think the corruption is the problem of the Philippines? I do not think so. I strongly believe that the problem is the lack of love for the Philippines...
Korean government was awfully corrupt and is still very corrupt beyond your imagination, ...40 years ago, President Park took over the government to reform Korea......He always asked Koreans to love their country from their heart. Many Korean scientists and engineers in the USA came back to Korea to help developing country because they wanted their country to be well off. Though they received very small salary, they did their best for Korea..."


--- Jaeyoun Kim


May nagpadala sa akin sa email ng essay na ito na sinulat ng isang Koreano. Dito siya sa atin nag-aaral. Sa tingin ko ay mas alam niya ang ugat ng paghihirap ng Pilipinas kaysa mga Filipino. Hindi pulitika, hindi relihiyon, hindi edukasyon at hindi rin corruption. Sa kanyang simpleng pananaw, ang tunay na dahilan ay kawalan ng pagmamahal sa bansang sinilangan. Tama siya.

Marami akong matatapakan, maraming masasagasaan, maraming tatamaan, pero wala pa ring Pinoy na aamin ng totoong dahilan kung bakit nila iniwan ang Pilipinas. Iba’t ibang palusot, sari-saring katwiran. Iisa lang naman ang pinupuntahan, walang katapusang paninisi sa corruption at kahirapan. Para sa akin iisa rin ang dahilan. Ito ay pagliligtas-katawan.

Ang tunay na mga Filipino sa tingin ko ay si Jose Rizal at si Ninoy Aquino. Sila lang ang may karapatang magsalita ng "Ako ay Pinoy, mahal ko ang Pilipinas”. Alam natin ang ating history. Alam nating puwede silang manatili sa Amerika o sa Europa kung gugustuhin nila. Hindi sila tanga. Alam nila kung ano ang mangyayari sa kanila kapag umuwi sila. Pero hindi ba pinili ng dalawang Filipinong ito na magbuwis ng buhay at magtagas ng dugo sa kanilang lupang hinihirang?
Sukdang ialay ang huling hininga, sinagot nila ang panawagan ng kanilang inang bayan.

Alam ko, hindi lahat ng tao ay puwedeng magpabaril sa Luneta o sa tarmac ng paliparan. Pero huwag na lang sanang lokohin ang sarili o manloko ng ibang tao. Bakit hindi magpakatotoo? Hindi naman masama kung aamining mas mahal mo ang sarili mo. Obvious ba, wala ka sa bayan mo? Huwag kang mag-alala, hindi ka mapupunta sa impiyerno.

Ang tinutukoy ko ay mga Pinoy na ginagawa ang lahat ng paraan upang makaalis o makatakas sa bansang ito. At kapag nagtagumpay sila at nakakuha na ng visa, parang tumama ng isang bilyon sa lotto. Mabilis pa sa alas-kuwatrong tatalikod at sasakay sa eroplano.


Kahi’t alam kong imposibleng mangyari, gusto ko pa rin sanang makarinig ng mga “honest” na sagot sa tanong na “Bakit ka nasa Amerika?”

Lagyan natin ng puntos (10 pts.) ang mga sagot na hindi nagpapasakay

(hindi kasali rito ang mga Pinoy na ipinadadala ng kanilang kompanya sa ibang bansa at ang mga nakakapag-asawa ng taga-ibang bansa)

(edited) hindi rin kasama rito ang mga OFW o mga SEAMEN. Mga taong walang puso lamang ang may kapal ng mukha na kwestyunin kung bakit sila nasa ibang bansa. Sa aking paningin , sila ang mga bagong Ninoy. Kakaibang dugo nga lang ang itinatagas nila.

  • “Hayok na hayok ako sa Amerika. Isasanla ko ang kaluluwa ko, masinghot ko lang ang hangin ng Amerika (10 pts Perfect)
  • “Wala akong makain sa Pilipinas. Sa Amerika, marami.” (7 pts.)
  • “E, ano kung may brain drain. Kahi’t tumagas pa ang utak sa tenga ng bayan ko, pakialam ko. Dito pa rin ako sa Amerika. Sarap yata ng buhay ko dito.” (10 pts. perfect)
  • “Ako ay Pinoy! Pero dito ako sa Amerika magpapaka-Pinoy! (dahil nakakatawa 1 pt.)
  • “Mahal ko ang Pilipinas! Pero dito ko siya mamahalin sa Amerika ( nakakatawa rin 1 pt)
  • “Gusto kong bigyan ng magandang buhay ang anak ko. ‘Yung anak ko lang. Napipilitan lang ako dito. (bulok na palusot -15)
  • Puwede ba? Nakakasuka ang Pilipinas, ano? Ikinahihiya ko ngang Filipino ako (10 pts. Perfect)
  • Kung ipapanganak ako uli at bibigyan ng choice, never sa Pilipinas , no! (10 pts. Perfect)
  • Anong mangyayari sa akin sa Pilipinas? Mabubulok na lang ako doon! ( 10 pts. Perfect)
  • Nandito na kasi lahat ang mga kamag-anak ko. Nalulungkot ako (paawa 0 pt)
  • Nandito na kasi lahat ang mga kamag-anak ko. Naiinggit ako. (8 pts)
  • Gusto kong makatulong sa Philippine economy kaya magpapadala ako ng $50 sa tatay ko. ‘Yun talaga ang hangad ko. Makatulong sa economy. (-10 pts. nabenta na ‘yan)
  • Gusto kong ipagmalaki sa buong mundo na maraming kayang gawin ang mga Pinoy. Ang chosen venue ko ng pagmamalaking ito ay ang Amerika (f...ing b...s.... -100)

May reward naman ang mga naka-perfect score. Natupad ang pangarap nila. Kung babalik man sila sa Pilipinas, sigurado syento por syento, ang pasaporteng bitbit nila ay kulay “blue”. Okey lang. Walang nawala sa bansa. Hindi naman kasi sila tunay na Filipino.

(Addendum) Kung hindi pa rin na-gets ng aking mga mambabasa kung sino ang mga mahilig magpalusot, ipakikilala ko sa inyo. Isang araw, pumunta kayo sa US Embassy. Doon ninyo makikita ang mga tinutukoy ko. Mga kababayan natin na animo mga bakang kakatayin na nagtitiyagang pumila sa init ng araw (buti na lang hindi na ganito ngayon). Noon, hindi na sila natutulog. Alas-tres ng madaling-araw ay pumipila na. May baon na sila sa bag nila. Alas-kwatro ng hapon ang interbyu. Visa denied. Akala mo ba tapos na ito? Babalik pa uli 'yan. At babalik at babalik pa.

Willing din silang mag-tagas ng dugo. Pero para ma-bigyan ng visa sa Amerika, hindi para sa bayan nila. Ang nakakabwisit, magpapalusot pa. Eh, obvious bang hayok sa Amerika?