Makulit na Daigdig ni Isabela

Bato-bato sa langit ang tamaan ‘wag magagalit

Sunday, July 03, 2005

Mas paborito bang anak ng Diyos ang mga lalaki?

May nagpadala sa akin ng email na gumising sa natutulog kong utak. Mas masaya raw ang mga lalaki kaysa mga babae.Inisa-isa ang mga dahilan. Conclusion: Oo nga, God is unfair!

Hindi napapalitan ang apelyido nila

Sino kaya ang nag-imbento ng kalokohang ito? Dapat kung kaninong apelyido ang maganda, ‘yun ang gamitin ng mag-asawa. Kawawa naman ang Tatay ko. ‘Yung apelyido niyang bitbit ko buong buhay ko, magiging isang letra na lang pag nag-asawa ako, may tuldok pa. Minsan hindi pa ma-ekstra. Wala akong makitang dahilan sa gawaing ito!

Nagkakaanak sila nang walang kahirap-hirap

Isa ‘yan sa mga pangarap ko. Ang magising ako isang umaga at makitang nagkalat sa daan ang mga lalaking buntis at naka-maternity dress. Gusto ko ring makita kung paano sila mag-“labor” at manganak (hindi ko pa naiisip kung saan dadaan ang bata. Siguro puro caesarian na lang) At ito ang pinakamagandang parte...breastfeeding! Mwahahaha!

Puwedeng pumorma sa Puerto Galera nang walang kamiseta

Dito ko na-conclude na sila nga ay paborito ng Maykapal. Bakit hindi ako puwedeng maglakad sa beach o tumambay sa kanto habang nagkakamot ng tiyan na walang suot na pang-itaas? Isang beses ko lang gawin ‘yan, siguradong riot sa buong barangay.

Ang lakas ng dating sa chicks pag may puting buhok at konting kulubot

Malakas din naman ang dating nating mga babae kung may puting buhok at kulubot na tayo...sa mga nagbebenta ng moisturizer at hair dye. Isama na natin ang mga bading sa mga parlor. At si Dra. Vicky Belo na rin. Tapos ang tawag sa atin ng mga hitad ay hindi na miss kundi “manang”!

Habang-buhay na iisa ang hairdo, ‘wag lang magpakalbo

Pag humaba nang konti ang buhok, punta sa barbero. Makalipas ang ilang minuto pogi na naman. Gunting at blade lang ang katapat. Tayong mga babae, hilo pagdating sa parlor.Ipa-rebond ko kaya? Hair relaxant? Hair color (ano kayang color?) Hot oil? Streaks? Boy’s cut? Layered? Ipakulot? Ipaderetso? May kasama pang, “Ano kayang kulay sa kuko”? Kailangan ang matinding pag-iisip. Dito nakasalalay ang buhay natin.

Ang buong mundo puwedeng gawing banyo

Hmmm...bakit nga ba puwede silang umihi kahi’t saang pader, puno, damo, lupa, semento, gilid ng building, harap ng building, kanal, pusali, swimming pool, balde, ilalim ng tulay, ibabaw ng tulay, loob ng kotse, gulong ng kotse ad infinitum? Ang mga babae? Isang lugar lang ang puwedeng ihian... malinis na restroom.
P.S. Guys – pakibaba lang ang toilet seat pagkatapos gamitin, pliiis!

Okey lang kahi’t hindi nakumbida sa birthday party ng kumpare

Si mister nung di nakumbida, nagkibit-balikat, kumain ng hapunan, nanood ng TV, natulog. Si misis, nung maisnab sa baby shower ng best friend niya, tinawagan sa telepono ang lahat ng kaibigan niya, tinanong kung bakit, hindi makatulog, umiyak, sinulatan ang best friend niya. Makalipas ang isang buwan, hindi na sila magkaibigan. Isinumpa na ni misis yung tao.

Tatlong pares ng sapatos, puwede na (rubber shoes, leather shoes, casual)

Tatlong pares ng sapatos?? Naglolokohan ba tayo dito?? Bakit hindi ‘nyo na lang kami putulan ng paa?

Isang pitaka, isang relo, isang sinsing, tatlong kulay ng medyas

Kaya mabilis magbihis si mister. Si misis kung pula ang kulay ng sapatos, ganoon din ang bag. Isasalin ang lahat ng laman ng puting bag na ginamit niya kahapon sa bag na pula. Pipili ng tamang shade ng red sa sapatos, magsusuot ng hikaw na ruby, relong may red leather strap at kulay-dugong lipstick. Hindi pa tapos. Maghahanap pa siya ng bolpeng pula.

Isang briefcase lang ang dala sa dalawang araw na out-of-town

Pero nagtataka si lalaki kung bakit may nakasabit na overnight bag sa balikat niya, may kaladkad na maletang de-gulong, may higanteng paper bag sa kaliwang kamay at may isa pang malaking bag sa kanang kamay. Kasama pala si misis. ‘Yung briefcase, ipapatong na lang sa ulo niya, o kaya iiwan na lang niya.

Puwedeng bumili ng mga laruan at komiks kahi’t may edad na

Madalas ba kayo sa toy stores ng kahi’t anong mall? Hindi ba mas maraming tatay ang nakabalatay sa harap ng mga laruan kesa mga bata? Ginagamit nilang excuse si junior para usisain ang mga bagong labas na laruan. Tingnan ‘nyo ang mga mukha nila sa loob ng tindahan ng komiks. Hindi ba parang naka-droga? Hindi nila kailangan ang excuse dito. Wala silang anak, asawa at ina sa harap ni Spider-man.

30 seconds flat sa telepono (girlfriend not included, wife included)


Lalaki: hello, sino ‘to? Aah, Oo.(15 sec pause). Okey, sige, bye.
Babae: Hello?... Oooy, ano kumusta na? Bakit ngayon ka lang tumawag? Ang tagal na nating di nagkita. O, alam mo na ba yung nangyari kay…?
You won’t believe kung gaano kakapal ang mukha...(kalahating araw na siya lang ang nagsasalita. Tulog na siguro yung kausap niya, di niya alam)

Macho kapag nagpatubo ng bigote o balbas

Sa ibang lalaki, bagay. ‘Yung iba naman mukhang kriminal. Magandang ideya kayang mag-patubo ng bigote ang mga babae? Alam ko, halos wala tayong facial hair pero kung meron, bagay kaya sa akin ang goatee? O bigoteng kulot sa dulo na parang si Papa Picollino?

Ang laman ng manicure set ay isang nail cutter

Ito ang isang misteryo ng mga lalaki na ayaw nating aminin. Nail cutter lang ang gamit nila pero mukhang laging neat ang mga kuko nila (trabahador sa talyer not included). Bakit hindi kumakapal ang cuticle nila?? Bakit wala silang ingrown?? Bakit masagwa kung kulay talong ang nail polish nila (kung meron man)? Bakit hindi kailangang i-push ang mga kuko nila? Bakit di kailangang pahiran ng oil ang mga kuko nila? Bakeeeet???

Nagagawang mag-shopping ng isang buong wardrobe sa loob ng isang oras

Isa pang misteryong walang kasagutan. Papasok ang mag-asawa sa SM. Kanya-kanyang pamalengke Makalipas ang isang oras, kumpleto ang wardrobe ni mister para sa isang buwan. Si misis, wala pang nabibili. Masakit na ang ulo kung light blue na sapatos o dark blue. Kung patusok ang dulo o pa-square. Kung pumps o 2-inch heels. Kung mahal o mura. Hihilahin si mister para siya ang pumili. Pag-uwi sa bahay sisisihin niya ang kawawang mama. Mukha raw mataba ang binti niya sa sapatos na napili.

O, mga darleng, hindi pa ako tapos pero ano ang masasabi ninyo? ‘Di ba ang mga lalaki ay mas masasayang tao dahil sila ay saksakan ng simple?